Pinapakinggan kita.
Dinig na dinig ko sa pagitan ng mga makabagong telepono ang galak sa iyong tinig habang binabalikan ang lahat ng nangyari noong nakaraang linggo.
Ramdam na ramdam ko ang sinasabi mong saya dahil sa mga pangyayaring naganap.
At ako ma'y hindi mapigilang madala at muling gunitain sa isip ang munting alaala ng sabi mo nga'y mahabang araw na iyon.
Ang daming nangyari.
Nakipagkita sa isang kaibigan
Nagpaikot-ikot
Kumain
Naglaro
Nanood ng sine
Nag usap ng "medyo" masinsinan.
Sa tuwing nakakasama kita, wala na akong ibang hinihiling kundi ang huwag matapos ang araw.
Na sana'y patuloy itong umusad, kahit paulit-ulit, huwag lamang humantong sa oras na kailangan na nating maghiwalay at magpaalam.
Pero kailanma'y hindi yun mangyayari.
Kailanma'y hindi yun matutupad.
Darating at darating tayo sa puntong iyon.
Darating at darating tayo sa oras kung saan kailangan nang maghiwalay.
Kung panandalian lamang o permanente ang paghihiwalay na iyon, wala isa man sa atin ang nakakaalam.
Niyakap mo ako sa bus
Hinalikan kita. Hinalikan mo ako.
At habang papalapit ang bababaan ko, naisip ko na sana'y dumating ang araw na kasama na kita sa bawat pagbaba ko sa ano mang byahe ng buhay.
Pinapakinggan kita habang patuloy mo pa ring idinedetalye ang mga nangyari.
Pero isa lang ang naintindihan ko.
Masaya ka.
At sapat na sa aking malaman iyon.
No comments:
Post a Comment