Pati pagsusulat hindi ko na magawa.
May nararamdaman naman ako.
Nasasaktan naman ako.
Pero walang lumalabas sa utak ko.
Lahat na ng nasa isip ko gusto kong hulihin, gusto kong hawakan, gusto kong itipa, pero wala pa rin. Gusto kong mabawasan man lang tong pangit na pakiramdam na 'to. Gusto kong kahit papaano gumaan man lamang kahit konti. Pero, parang mas lalo pang bumibigat.
Gusto kong umiyak. kaso naubos na yata lahat ng luha ko (OA much). Gusto kong umatungal. Gusto kong maglupasay at umiyak na parang bata. Pero grabe, antanda-tanda ko na ehh. lol.
Hindi ko na alam kung ano ang totoo. Kung ano ang paniniwalaan ko. O kung maniniwala pa ba ako? Mahal pa rin kita. Mahal na mahal. At masaya pa rin ako sa presensiya mo. Kaya lang minsan, hindi ko maiwasang isipin kung totoo ba ung mga pinapakita mo. Kung totoo ba talaga yung mga sinasabi mo. Panu kung pagtalikod ko, iba naman pala talaga ang hinahanap-hanap mo. Panu kung pagbaba ng telepono, iba naman ang tatawagan mo, ang kakausapin mo. Paano kung hindi lang talaga ako sapat para sa'yo.
Pasensya ka na kung ganito ako mag-isip. Ang hirap lang magtiwala ulit. Yung tipong, ang dami nang nangyari para magtiwala pa. Yung ginagwardiyahan mo ung damdamin mo para hindi ka gaanong madala sa mga salita, kaya lang nagawa mong sipain ung gwardiya.
Nagawa mong buwagin ung pader na ang tagal kong ni-upgrade.
Nagawa mong pasukin ang kasuluk-sulukan ng damdamin ko,
pati na rin ang isipan ko.
Nagawa mo akong pagtiwalain sa'yo.
Tapos bigla kang lalabas at mag-iiwan ng lumot. Lumot ng pagdududa na unti-unting kumakalat sa sistema ko.
Sa totoo lang wala naman talaga akong karapatang magreklamo. Kung tutuusin, hindi naman talaga kasi tayo. Kaya lang, mahal na kita ehh. Mahal na mahal na kita. Kaya, pasensya ka na kung nasasaktan ako. Pasensya ka na kung nagdududa ako. Pasensya ka na kung nahihirapan na akong magtiwala sa'yo. Pasensya ka na kung masyado akong mareklamo.
Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari. Tatawa pa rin ako tuwing kausap mo. babatuhin pa rin kita ng mga korning banat o jokes, kakantahan pa rin kita, sasabihan ng mga salitang makata, kakagatin, yayakapin, hahalikan, pero hindi ko maipapangakong magiging buo sa loob ko ang sayang ipapakita ko.
Nasasaktan pa rin ako.
Nalulungkot pa rin ako.
At hindi ko alam kung hanggang kailan aabutin to.
No comments:
Post a Comment