malamig. malapit na ang summer pero pakiramdam ko giniginaw ako. sa katunayan malalim na naman ang gabi. gising naman ako kung kelan tulog ang mundo. nagiging baliktad na ang mga pangyayari sa buhay ko. nagiging mabilis na ang ikot ng mundo. nahihirapan na akong sumabay sa agos ng buhay. nahihirapan na ako.
ang daming problema. ang daming pagsubok ang dumarating. may mga simple lang na sa isang iglap, solb na. me mga mabibigat naman na talagang sumusubok sa kakayahan at tatag ng sistema. kung hanggang kailan ba ito kakayanin o kung makakaya nga ba. haharapin na lamang ba o tatakasan na lamang. sa mga pagkakataong ganito, mas pinipili ko ang huli. mas magiging madali kung tatakasan na lamang ito. babalewalain. tatawanan. hahayaan. pero naisip ko, kung patuloy ko itong tatakasan, patuloy din itong babalik. at sa bawat pagtakas sa anu mang problema, ay siya ring paglalim at pagbigat ng suliranin. hanggang sa tuluyan na nga itong hindi kayanin.
alam kong ang blog na ito ay walang kwenta kumpara sa iba. ni hindi ito pag-aaksayahan ng oras para basahin ng iba. pero hindi ko ito ginawa para makipag-kompetensya sa mga magagaling sumulat. ginawa ko ito para maipakita at mailabas ko ang tunay na ako.
dito sa tahimik kong mundo nagagawa kong magpakatotoo ng walang pag-aalinlangan. nagagawa kong tumawa ng malakas kapag masaya ako, umiyak na parang bata pag nasasaktan o magmura pag nagagalit. dito sa tahimik kong mundo, ako ay ako. mabait. malambing. maldita. masama. dito, nagagawa kong tanggapin ang mga pagkakamali at kahinaan ko ng walang kumokondena. at walang naninisi sa akin. nagagawa kong damhin ang bawat sugat na tumatagos sa puso ko. ang mga luhang pumapatak sa pisngi ko at ang bawat ngiti sa labi ko. lahat dito ay totoo. walang bahid ng. kasinungalingan. pagkukunwari. pag-aalinlangan.
sa paglabas ko sa aking mundong itinatago, muling ibabalik ang maskara ko. maskarang nagtatago sa kung ano ako. dahil ang kalakaran sa tunay mundo ay hindi tungkol sa pagpapakatotoo. sa tunay na mundo, matira ang matibay. kung hindi ka manggagago, ikaw ang gagaguhin. ngunit hindi lahat ng gago ay matibay. hindi lahat ng matibay ay walang kahinaan. at hindi lahat ng totoo ay walang maskara//
No comments:
Post a Comment